Atty. Jeryll Harold Respicio, iprinoklama na ng COMELEC-Reina Mercedes, Isabela bilang Vice Mayor-elect

Atty. Jeryll Harold Respicio, iprinoklama na ng COMELEC-Reina Mercedes, Isabela bilang Vice Mayor-elect

Mga larawang kuha ni Mae Barangan

REINA MERCEDES, Isabela- Pagkatapos ng halos isang buwan na pagkakaantala, isinagawa ng Election Officer ng Reina Mercedes ang proklamasyon kay Vice Mayor-elect Atty. Jeryll Harold Respicio sa SB Hall, Municipal Building ng nasabing bayan, Hunyo 5, 2025.

Binasa ni Gng. Maria Rowena B. Geronimo, election officer, ang sertipikasyong galing sa Municipal Board of Canvassers na nagsasaad ng pagkapanalo ni Respicio kung saan nakakuha ito ng 6,042 na boto.

Matatandaan na ipinagpaliban ng COMELEC ang prolamasyon ni Respicio dahil sa kinahaharap nitong disqualification case na nag-ugat sa kanyang Facebook post tungkol sa integridad ng mga Automated Counting Machines na pangunahing gamit sa National and Local Elections 2025.

Sa panayam ng mga mamamahayag kay Respicio, kanyang pinasalamatan ang COMELEC Chairperson na  si George Garcia sa pagtanggal ng suspension sa kanyang proklamasyon at pagsunod nito sa democtaric mandate ng mga mamamayan ng Reina Mercedes. “Hindi na po siguro matutuloy ‘yong disqualification ni Atty. Harold Respicio. Maraming salamat Chairman George Garcia”, dagdag ni Respicio.

Kanya ring sinabi na may mga isasampa na mga petisyon sa Supreme Court at siya ay magsasagawa ng Oral Argument kung bibigyan ng pagkakataon. Hangad umano ng mga hakbang na ito na makabuo ng mga policy at jurisprudence upang maiwasan ang pandaraya at mapatatag ang integridad ng resulta ng halalan.

Samantala, sa kanyang pagganap sa tungkulin, kanyang sinabi na ang unang hakbang na gagawin ay kausapin ang mga konsehal sa proyektong gustong paglaanan ng pansin. Aniya, gagawin niyang dynamic at aktibo ang konseho. “Kapag dinala ng legislature ang isang polisiya at kapag iyon ay sumasang-ayon sa gusto ng taong bayan wala pong magagawa ang executive office kundi tuparin iyon; tuparing ng agad-agad; tuparin honestly; tuparin ng walang nakawan; at tuparin ng waalang kakorapsyonan”, ani Respicio.# Mae Barangan

Mae Barangan