POWER BLOC: Itigil ang biglaang Pagtaasn h Singil sa Kuryente sa Missionary Areas
QUEZON CITY — Nanawagan ang Power Bloc na ipatigil muna ang biglaang pagtaas ng Subsidized Approved Generation Rate (SAGR) matapos ang inilabas na kautusan ng Energy Regulatory Commission (ERC) noong 23 September 2025. Sa privilege speeches nina Rep. Sergio C. Dagooc ng APEC at Rep. Presley C. De Jesus ng PhilRECA, kapwa nilang binigyang-diin na hindi lamang ito usapin ng rate adjustment, kundi isang seryosong banta sa kabuhayan ng mga Pilipinong nakatira sa pinaka-liblib at madalas na napapabayaang mga lugar ng bansa.
Ayon kay Rep. Dagooc, malinaw ang mandato ng Section 70 ng EPIRA: tungkulin ng National Power Corporation-SPUG na tiyaking may abot-kaya, maaasahan, at pangmatagalang kuryente ang mga lugar na hindi konektado sa main grid. Aniya, labag sa diwa ng batas ang pagtaas ng singil na ipapataw sa mga konsumer bago pa man matapos ang kumpletong pagdinig at pagsusuri. Iginiit niyang walang inilabas na malinaw na metodolohiya ang ERC kung paano nito kinuwenta ang bagong SAGR. Tinukoy rin niyang hindi isinaalang-alang ang mga komento, ebidensya, at pagsusuri na isinumite ng Association of Isolated Electric Cooperatives (AIEC), na matagal nang nagbabala sa epekto ng dagdag-singil sa kahirapan at lokal na ekonomiya.
Ayon pa kay Rep. Dagooc, sa sistema ng singil na ipapataw sa mga apektadong kooperatiba, tinatayang higit ₱350 ang madadagdag sa buwanang bayarin ng isang pamilyang kumokonsumo ng 100 kWh, habang aabot naman sa mahigit ₱5,000 kada buwan ang dagdag-gastos para sa mga komersyal at industriyal na gumagamit ng humigit-kumulang 1,000 kWh. Binigyang-diin ng mambabatas na ang ganitong halaga ay malaking bawas sa pang-araw-araw na panggastos ng karaniwang pamilya at dagdag na pasanin para sa mga negosyo, na tiyak namang ipapasa rin sa mga konsumer sa anyo ng mas mataas na presyo ng produkto at serbisyo.
Ipinunto rin ni Rep. Dagooc na maging ang National Economic and Development Authority (ngayon ay DepDev) ay nagbabala na may mali sa methodology ng NPC, base na rin sa kanilang liham noong 17 November 2023. Ayon sa DepDev, mali ang paggamit ng luma at hindi tumpak na datos, at dapat munang itama ang paraan ng pagkukuwenta bago magpatupad ng anumang pagtaas. Dagdag pa niyang ang tunay na intensyon ng EPIRA ay bawasan ang subsidiya sa pamamagitan ng pagiging mas episyente at pag-integrate ng renewable energy, hindi sa pamamagitan ng pagpasan ng dagdag gastos ng mga konsumer.
Samantala, binigyang-lakas ni Rep. De Jesus ang usapin mula sa perspektibo ng mga pamilyang araw-araw na dumedepende sa mahal at limitadong kuryente sa Marinduque, Palawan, Mindoro, Siquijor, at iba pang isla. Sa kanyang talumpati, sinabi niyang ang pagtaas ng SAGR ay nagbabadya ng pagtaas ng presyo ng bilihin, pagbagal ng lokal na ekonomiya, at posibilidad na mas marami pang pamilyang malugmok sa kahirapan. Batay sa mga pag-aaral na isinumite sa AIEC, maaari umanong bumaba ang regional GDP, tumaas ang unemployment, at lumala ang inflation sa mga apektadong lugar. Para sa mga mangingisda, tindera ng sari-sari store, at maliliit na negosyante, ang bawat pisong dagdag sa singil sa kuryente ay direktang kumakaltas sa pagkain at kabuhayan.
Binigyang-diin din ni Rep. De Jesus na ang missionary electrification ay hindi tungkol sa kita, kundi inklusyon. Ito ay tungkulin ng Estado upang hindi mapag-iwanan ang mga lugar na dating walang ilaw. Kung hindi pag-iingatan ang polisiya, maaaring mabura ang mga taon ng pag-unlad na naabot ng rural electrification. Ayon sa kanya, ang kuryente ay hindi dapat maging dahilan ng paghihirap, kundi instrumento ng pag-angat. “Every kilowatt-hour should bring light, not hardship,” aniya.
Dahil sa bigat ng sitwasyon, inanunsyo ng Power Bloc ang paghahain ng isang House Resolution upang magsagawa ng komprehensibong imbestigasyon sa kautusan ng ERC sa ilalim ng Committee on Energy. Layunin nitong alamin kung nasunod ba ang tamang proseso, kung may sapat bang konsultasyon, kung tama ba ang metodolohiyang ginamit, at kung tunay bang makatarungan ang pagtaas.
Nanawagan ang APEC at PhilRECA na i-defer muna ang implementasyon ng kautusan hanggang matapos ang masusing pag-aaral at konsultasyon kasama ang mga electric cooperatives, local governments, at mismong mga konsumer sa mga isla. Ayon sa Power Bloc, hindi dapat magmadali sa pag-apruba ng dagdag-singil, lalo na kung ang pinakamahirap na sektor ng lipunan ang unang tatamaan.
Sa pagtatapos ng kanilang panawagan, mariing sinabi ng Power Bloc na mananatili silang tinig at tagapagtanggol ng mga lugar na madalas hindi naririnig. Hangga’t hindi patas, hindi malinaw, at hindi makataoang iminungkahing pagtaas, hindi sila titigil sa paglaban. #
